--Ads--

Umaasa ang isang abogado na maayos at mabibigyang-linaw ang mga agam-agam sa mga kaganapan sa Senado kasunod ng insidente ng pamamaril sa loob ng gusali kagabi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, isang law professor, sinabi niya na dapat ay nakabatay sa merito ang mga mambabatas at hindi sa kanilang political biases upang hindi lalo pang bumaba ang tiwala ng publiko sa pamahalaan.

Ayon pa sa kanya, kapansin-pansin umano ang ganitong sistema batay sa mga pahayag ng ilang senador na kakampi ni Sen. Bato dela Rosa na may kinakaharap na kaso sa International Criminal Court (ICC).

Dagdag pa niya, maaaring makaapekto rin ang mga pangyayari sa Senado sa nakatakdang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte, na aniya ay dapat pa ring dumaan sa maayos at patas na proseso alinsunod sa batas.

--Ads--

Posible rin aniya na hindi masunod ang rule of law at manaig ang pulitika, lalo na ngayong nagbago na ang pamunuan ng Senado na itinuturing na kaalyado ng mga Duterte, bagay na posibleng makaapekto sa direksiyon ng ilang mahahalagang usaping pambansa.

Posible rin na may iba pang aspeto na maaaring makaapekto sa pamahalaan, kabilang ang sinasabi ng ilan na maaaring magamit ang naturang insidente bilang dahilan o basehan para sa pagdedeklara ng martial law, kung sakaling lumala ang sitwasyon, magkaroon ng mas malawak na kaguluhan, o tuluyang mawalan ng kontrol sa seguridad at kaayusan sa bansa.

Giit pa niya, kung mangyari ang mga nabanggit na senaryo, mas lalo lamang aniyang lalaki ang tensyon, pagkakahati-hati, at kaguluhan sa loob ng bansa, na maaaring makaapekto sa katatagan ng mga institusyon ng gobyerno.

Payo niya sa publiko, manatiling mapagmatyag at mapanuri sa mga nangyayari, at umiwas sa maling impormasyon, dahil ang mga ganitong isyu ay maaaring direktang makaapekto sa araw-araw na pamumuhay ng mamamayang Pilipino at sa kabuuang direksyon ng bansa.