Ibinunyag ni Terry Ridon na umano’y napatunayan na ang pagkakaroon ng anomalya sa paggamit ng confidential at intelligence funds (CIF) ni Vice President Sara Duterte bilang pangalawang Pangulo at noong siya’y kalihim pa ng Department of Education.
Ayon kay Ridon, naging malinaw ang isyu matapos ang detalyado at kapani-paniwalang testimonya ni Ramil Madriaga hinggil sa umano’y distribusyon ng naturang pondo. Inilahad ni Madriaga na siya mismo ang naghatid ng pera sa tatlong magkakahiwalay na lugar upang ipasa sa ilang indibidwal na malalapit umano kay Duterte.
Bukod dito, kinumpirma rin umano ng Commission on Audit (COA) ang paglabas ng Notice of Disallowance na nag-uutos kay Duterte na isauli ang halagang P73,287,000 mula sa confidential funds na ginamit ng kaniyang opisina noong Disyembre 2022.
Ayon pa kay Ridon, ang naturang hakbang ng COA ay indikasyon ng hindi maayos na paggamit ng pondo.
Dagdag pa rito, binigyang-diin niya ang ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagsasabing hindi tunay na mga tao ang ilan sa mga nakalistang tumanggap ng CIF.
Sinabi rin ni Ridon na ang resulta ng pagsusuri ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mga isinumiteng resibo ay nagpapakita rin ng mga iregularidad na sumusuporta sa alegasyon ng anomalya.
Sa kabila ng mga paratang, wala pang pinal na pahayag mula sa kampo ni Vice President Duterte hinggil sa nasabing isyu.











