--Ads--

Bumuo ng Mango Industry Board ang Technical Education and Skills Development Authority o TESDA Isabela upang paghandaan ang maaring oversupply sa manga sa lalawigan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director Vilma Cabrera ng TESDA Isabela sinabi niya na pinulong nila ang mga mango growers sa lalawigan dahil sa pag-uumpisa na ng Mango Season.

Aniya kung maalala noong nakaraang taon ay nagkaroon ng oversupply ng manga sa lalawigan.

Una silang nagsagawa ng pagsasanay o training sa mga mango growers patungkol sa pagproseso sa mga manga na sobra sa produksyon.

--Ads--

Ngayong taon ay muli silang magsasagawa ng pagsasanay at nagulat naman sila dahil sa dami ng mango growers na dumalo sa pulong na kanilang inorganisa.

Dito nila nalaman na bawat bayan sa Isabela ay may mga asosasyon ng Mango Growers kaya naisipan nilang bumuo ng Mango Industry Board na tutulong para mapabuti ang kanilang pagtatanim at pagproseso sa mga sobrang ani.

Sa pagsailalim naman nila sa training ay mabibigyan sila ng certificate na magagamit nila bilang patunay na sila ay bihasa sa mango production.

Sa ngayon ay Santiago City ang mayroong processing facility katuwang ang Department of Trade and Industry o DTI.

Maging ang Isabela Mango Growers Cooperative ay mayroon ding sariling processing facility na makakatulong sa susunod na pagsasanay ng mga mango growers sa mango processing.