--Ads--

Hindi na kailangang pumila nang matagal ang mga city scholar sa Cauayan City, Isabela, sa pagkuha ng kanilang scholarship assistance matapos isulong ng pamahalaang panlungsod ang paggamit ng electronic wallet o e-wallet para mapabilis at mapagaan ang pagtanggap ng pinansyal na tulong.

Kaugnay nito, nagsagawa ng aktibidad para sa scholarship program ng lungsod sa FL Dy Coliseum sa Cauayan City ngayong Oktubre 12, 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jasmine Adona, second-year scholar, sinabi niyang makatutulong ang paggamit ng e-wallet upang mapabilis ang transaksiyon at mabawasan ang oras na ginugugol ng mga estudyante sa pagpila, na maaari nilang ilaan sa kanilang pag-aaral at iba pang gawaing pang-akademiko.

Samantala, para sa mga bagong aplikante, kinakailangang magsumite ng photocopy ng Form 138 o Grade 12 card at photocopy ng City ID ng kanilang magulang. Kailangan din nilang sumailalim sa qualifying examination bilang bahagi ng proseso ng pagpili sa mga magiging benepisyaryo.

--Ads--

Sa kabuuang pagtataya, 70 porsiyento ng iskor ang ibabatay sa resulta ng qualifying examination, habang 30 porsiyento naman ang magmumula sa general weighted average o GWA ng aplikante.

Para naman sa mga magpapa-renew ng scholarship, kailangang magsumite ng certificate of grades mula sa nakaraang semestre at statement of account o assessment of fees para sa kasalukuyang semestre.

Sa pamamagitan ng paggamit ng e-wallet at mga itinakdang proseso sa aplikasyon at renewal, layon ng pamahalaang panlungsod na gawing mas mabilis at mas maginhawa ang pagtanggap ng scholarship assistance ng mga karapat-dapat na mag-aaral.