Pumalo na sa 4 na Pilipino ang naiulat na sugatan sa pag-atake sa King Khalid International Airport sa Riyadh, Saudi Arabia noong Sabado, Oktubre 10.
Tatlo sa mga sugatan ang kasalukuyang nasa ICU samantalang ang isa naman ay nakatakda nang ma-discharge sa ospital, batay sa inilabas na pahayag ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Linggo ng Oktubre 11.
Wala namang naitalang Pilipino na nasawi sa pag-atake.
Sa kabuuan, 12 katao ang nasawi at 309 ang sugatan sa pag-atake ng Houthi sa King Khalid International Airport sa Riyadh nitong Sabado.
Ayon naman kay Labor Attaché Dominador Salanga ng Migrant Workers Office (MWO) sa Riyadh, kasama ang Workers Welfare Administration (OWWA), patuloy namang nakaalalay ang mga ito sa mga kinakailangang tulong ng mga sugatan habang kasalukuyan silang nagpapagaling sa iba’t ibang ospital.
Dagdag pa ni Salanga, nakikipag-ugnayan din ang kanilang tanggapan sa mga lokal na awtoridad at mga ospital sa Riyadh upang kumpirmahin kung may iba pa bang Pilipino ang sugatan mula sa pag-atake.
Pinayuhan naman ng ahensiya ang mga OFWs sa Saudi Arabia na umiwas sa mga lugar na maaaring maging target ng pag-atake, gayundin ang pagsunod sa mga anunsyo ng embahada, konsulado, at MWOs sa Saudi Arabia, pati ang mga social media page ng kanilang gobyerno para sa mga update.
Para naman sa mga OFWs nakatakdang umuwi ng bansa, inaaanyayahan ng DMW na tawagan ang kanilang airline bago tumungo ng airport at ugaliing mag-check ng kanilang e-mail na ginamit sa pag-book, maging sa email ng kanilang mga employer.
Inabisuhan din ng ahensiya na iwasang kumuha ng video o larawan ng mga nasabing pag-atake at mag-post ng mga ito sa social media dahil labag ito sa batas ng Saudi Arabia.










