Isang pambihirang tagumpay ang nakamit ng 48-anyos na si Tanaboworn Sirikunakornkun mula sa Thailand, na mas kilala sa palayaw na “Super Toom”, matapos siyang opisyal na kilalanin ng Guinness World Records para sa highest altitude landing of a skydive/parachute jump.
Matagumpay siyang lumapag sa tuktok ng Ojos del Salado sa Chile, ang pinakamataas na aktibong bulkan sa buong mundo. Nangyari ang makasaysayang pagtalon noong March 14, kung saan nahigitam niya ang dating record noong 2023.
Inilarawan ni Super Toom, na isang negosyante, propesor sa unibersidad, at opisyal sa Thai Parliament, na mistulang bahaghari ang ganda ng bulkan mula sa itaas dahil sa iba’t ibang kulay ng mga mineral nito. Nagsimula lamang siyang mag-skydive noong 2024 ngunit mabilis niyang naitala ang mahigit 1,250 na pagtalon bago isagawa ang world record na ito upang magbigay ng karangalan sa kanyang bansa.
Ayon kay Super Toom, naging panatag at masaya siya sa kabuuan ng kanyang pagtalon sa tulong na rin ng mga grupong sumuporta sa kanyang kaligtasan. Umaasa siya na ang kanyang kuwento ay magsilbing inspirasyon sa lahat ng tao na huwag hayaang maliitin ng iba ang kanilang mga pangarap. Pagbabahagi niya, ang bawat tao ay may natatanging lakas na maging “Super” sa kani-kanilang paraan basta’t may determinasyon, dedikasyon, at disiplina sa buhay.











