--Ads--

Itutuloy ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide o PISTON ang transport strike nito ngayong Miyerkules upang igiit sa pamahalaan ang kanilang mga hinaing kaugnay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Inaasahan ng grupo ang patuloy na pagsali ng mga tsuper at operator mula sa iba’t ibang lugar, na maaaring makaapekto sa pampublikong transportasyon sa ilang bahagi ng bansa.

Kabilang sa panawagan ng PISTON ang pagsusuri sa Oil Deregulation Law at excise tax sa produktong petrolyo.

Magsasagawa umano ang kanilang mga miyembro ng kilos-protesta sa iba’t ibang lugar bago magtipon sa Welcome Rotunda alas-2 ng hapon at magmartsa patungong Mendiola sa Maynila.

--Ads--

Samantala, magmomonitor ang mga awtoridad at magbibigay ng assistance sa mga commuter na maaapektuhan ng strike. Ilang unibersidad na rin ang nagsuspinde ng face-to-face classes.

Sa kabila ng tigil-pasada, may ilang jeepney pa ring bumibiyahe sa ilang ruta sa Metro Manila.

Ayon naman sa LTFRB, maaaring isaalang-alang ang fare rollback kung patuloy na bababa ang presyo ng langis.

Tutol dito ang PISTON at sa halip ay humihingi ng 10-pesos na dagdag-pasahe, habang 2-pesos na dagdag-pasahe naman ang hinihingi ng Manibela. Nasa 14 pesos ang kasalukuyang minimum fare sa traditional jeepney.