Kinuwestiyon ni Senador Bong Go ang timing ng paglabas ng warrant of arrest laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay sa kasong grave threats.
Ayon kay Go, nakapagtataka kung bakit ngayon lamang inilabas ang warrant gayung matagal nang nangyari ang insidenteng pinag-ugatan ng kaso.
Nabanggit din ng senador na kasabay ng paglabas ng warrant ang nagpapatuloy na impeachment trial ni Duterte sa Senado.
“Nagtataka lang po ako sa timing. ‘Yung timing ang pinagtataka natin,” ani Go sa isang ambush interview sa Senado.
Nag-ugat ang mga kaso sa naging pahayag ni Duterte noong Nobyembre 2024, nang sabihin niyang mayroon siyang nakausap na tao na inatasan niyang patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at ang dating House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.
Dahil dito, nagsagawa ng imbestigasyon ang Department of Justice at kalaunan ay nagsampa ng tatlong bilang ng grave threats laban sa bise presidente. Noong unang bahagi ng Agosto, inirekomenda ng mga prosecutor ang piyansang P120,000 para sa bawat kaso.
Naglabas ng warrant ang Quezon City Regional Trial Court Branch 98 matapos nitong makita ang probable cause para isailalim sa paglilitis ang bise presidente. Itinakda naman sa P120,000 bawat bilang ang piyansa.
Nauna nang kumuwestiyon ang kampo ni Duterte sa hurisdiksiyon ng korte at naghain ng motion to quash. Sa kabila nito, sinabi ng kaniyang abogado na walang balak ang bise presidente na umiwas sa batas at gagamitin nito ang mga legal na remedyo na nakalaan sa kaniya.
Hindi naman nakita si Duterte sa Quezon City RTC nitong Biyernes kasunod ng paglabas ng warrant.
Samantala, sinabi ng Department of Justice na iginagalang nito ang naging desisyon ng korte.
Sinabi rin ng Malacañang na iginagalang nito ang kautusan ng korte at hindi ito nakikialam sa proseso ng hudikatura.
Sa kabila ng kaniyang pagkuwestiyon sa timing ng warrant, iginiit ni Go na naniniwala siyang kakayanin ni Duterte ang mga kasong kinakaharap nito.
Aniya, sanay na ang bise presidente sa mga ganitong sitwasyon at kaya nitong harapin ang mga hamon sa gitna ng impeachment trial at ng hiwalay na criminal case.











