Umaasa ang mga tindera sa pribadong palengke sa Lungsod ng Cauayan na tataas ang kanilang kita kung matutupad ang ipinangakong 20–30 porsiyentong bawas sa rental fee ng lokal na pamahalaan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Neneng Evangelista, tindera sa palengke, sinabi nitong malaking ginhawa para sa kanila ang naturang hakbang kung ito ay maisasakatuparan. Aniya, marami na sa mga nagtitinda ang nalugi dahil sa mataas na singil sa renta at joining fee sa pribadong palengke.
Ipinaliwanag pa niya na magkaiba ang bayarin sa joining fee at rental fee, kaya’t mas lalo umanong bumibigat ang kanilang gastusin buwan-buwan. Ayon sa kanya, umaabot sa ₱3,000 hanggang ₱5,000 ang rental fee depende sa laki o square meter ng pwesto. May ilan din umanong vendor na nagbabayad pa ng karagdagang rental na nasa ₱1,800 kada taon.
Dahil dito, umaasa ang mga vendor na mababawasan ang kanilang mga obligasyon upang makabawi sa kanilang puhunan at kita kung tuluyang maipapatupad ang ipinangakong bawas sa renta.
Bukod sa usapin ng renta, hiniling din ng ilang vendor ang agarang pag-aayos ng sirang closed-circuit television o CCTV sa loob ng palengke upang masiguro ang seguridad ng kanilang mga paninda at maiwasan ang insidente ng pagnanakaw.
Matatandaang kahapon lamang ay nagsagawa ng public hearing ang lokal na pamahalaan patungkol sa planong pagbabago sa market code na sumasaklaw sa operasyon ng pribadong palengke sa lungsod.
Sa ngayon, umaasa ang mga vendor na maririnig at mabibigyang-solusyon ang kanilang mga hinaing, lalo na ang inaasahang pagbaba sa renta at ang pag-aayos ng mga pasilidad na may kinalaman sa kanilang seguridad at kabuhayan.










