--Ads--

‎Naaresto ng mga awtoridad sa Dupax del Sur, Nueva Vizcaya ang isang 25-anyos na construction worker na nakatala bilang Top 2 Provincial Most Wanted Person ng lalawigan dahil sa kinahaharap nitong mga kasong statutory rape at rape by sexual assault.

‎Kinilala ang suspek sa alyas na “Tonio” isang binata at residente ng Pozorrubio, Pangasinan.

‎Isinagawa ang pag-aresto ng pinagsanib na puwersa ng Dupax del Sur Municipal Police Station, Nueva Vizcaya Police Intelligence Unit/Provincial Drug Enforcement Unit (NVPIU/PDEU), at PIT Nueva Vizcaya–Regional Intelligence Unit 2.

‎Batay sa ulat ng pulisya, naaresto ang suspek sa bisa ng dalawang warrant of arrest na inilabas noong Hunyo 4, 2026 ng Regional Trial Court Branch 37 sa Bambang, Nueva Vizcaya.

‎Nahaharap ang a kusado sa kasong statutory rape, na walang inirekomendang piyansa, at rape by sexual assault sa ilalim ng Article 266-A ng Revised Penal Code, na may itinakdang piyansang ₱120,000.

‎Ayon sa mga awtoridad, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine sa wikang kanyang nauunawaan bago ito isinailalim sa kustodiya.

‎Kasalukuyang nasa kostudiya na ng Dupax del Sur Municipal Police Station ang akusado habang hinihintay ang paglilipat nito sa korte na naglabas ng mga warrant of arrest para sa kaukulang pagdinig ng kanyang mga kaso.