Iginiit ng National Public Transport Coalition na dapat i-exempt o huwag isali ng pamahalaan sa election ban ang pagbibigay ng ayuda sa sector ng transportasyon.
Ito ay kasunod ng pagsuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa P12 kada litro na fuel discount para sa public utility jeepneys at UV Express.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay NPTC Convenor Ariel Lim, sinabi nito na kaniyang nauunawaan na kailangan lamang sumunod ng pamahaalaan sa umiiral na mga panuntunan sa eleksyon subalit kailangan umanong ikonsidera ang kalagayan ng mga sector.
Kung talaga aniyang nanaisin ng pamahalaan na pagtuunan ng pansin ang pagbibigay ng tulong sa sector ng transportasyon dahil sa patuloy na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ay maaari naman umanong gumawa ng special letter ang Kongreso at Senado na aaprubahan ng Palasyo ng Malakanyang.
Dahil dito, nanawagan si Lim sa Commission on Election at Malakanyang na gawan ng paraan para hindi matigil ang subsidiya na natatanggap ng transport sector dahil kailangan ito ng kanilang hanay lalo’t wala pang naaaprubahang pagtaas sa pamasahe.










