--Ads--

Muling nanawagan ng dagdag na tulong sa pamahalaan ang isang transport group dahil sa inaasahang malaking taas-presyo sa produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ariel Lim, Convenor ng National Public Transport Coalition o NPTC, sinabi niyang bagama’t may ipinapatupad na fuel subsidy ang pamahalaan, hindi umano ito sapat para sa buong sektor ng transportasyon dahil hindi lahat ng mga tsuper at pampasaherong sasakyan ay saklaw ng kasalukuyang programa.

Ayon kay Lim, nauunawaan naman nila ang hamon sa pamahalaan sa pagbuo ng mga programang pantulong, ngunit mas makabubuting isama sa pagpaplano ang lahat ng concerned government agencies at mga kinatawan ng sektor upang makabuo ng programang napagkasunduan at pakikinabangan ng mas maraming apektado.

Giit niya, kailangan ng mas konkretong hakbang mula sa pamahalaan upang matugunan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa kabuhayan ng mga tsuper at sa gastusin ng mga commuter.

--Ads--

Aniya, kapag patuloy na tumataas ang presyo ng diesel at gasolina, malaking bahagi ng arawang kita ng mga tsuper ang napupunta sa pambili ng krudo, kaya lumiliit ang naiuuwing kita para sa kanilang pamilya at iba pang pangunahing pangangailangan.

Samantala, sa pinakahuling price adjustment, nadagdagan ng ₱5.68 kada litro ang presyo ng gasolina at ₱4.31 kada litro naman sa diesel, habang inaasahan ang mas malaking taas-presyo sa susunod na linggo.

Kaugnay nito, iminungkahi ng grupo ang pag-a-adjust sa pamasahe batay sa galaw ng presyo ng petrolyo, kung saan maaari itong itaas kapag tumataas ang presyo ng langis at muling ibaba kapag bumababa naman ito.

Ayon kay Lim, nahihirapan ang mga tsuper na makasabay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo dahil nakapirmi o fixed ang kasalukuyang fare matrix kahit tumataas ang kanilang operational expenses.

Iginiit niyang kinakailangan ang mas mabilis at flexible na mekanismo sa pamasahe upang hindi lamang mga tsuper ang sumalo sa epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo, habang isinasaalang-alang din ang kakayahan ng mga commuter na magbayad.