--Ads--

Mahigpit na ipinatutupad ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela ang umiiral na travel guidelines sa Ilagan–Divilacan Road upang matiyak ang kaligtasan at maayos na paggalaw ng mga residente patungo at palabas ng mga coastal municipalities.

Ayon kay Provincial Public Safety Officer Kim Patrick Abayani, sa pangkalahatan ay maayos ang pagsunod ng mga residente sa itinakdang mga alituntunin sa ilalim ng Executive Order No. 22. Bagama’t may ilang hamon sa implementasyon, nananatiling positibo ang pagtalima ng mga mamamayan dahil nauunawaan nila na ang mga hakbang ay para rin sa kanilang kapakanan.

Dalawang checkpoint ang kasalukuyang itinalaga ng kapulisan—sa Barangay Dikambangan, Divilacan at sa Sitio Disipon, Barangay Sindon Bayabo, City of Ilagan—upang tiyakin ang maayos na pagpapatupad ng travel schedule.

Batay sa Executive Order, pinapayagan lamang ang paglabas ng mga local resident tuwing Martes, Huwebes, Sabado at Linggo mula alas-6 hanggang alas-8 ng umaga, habang ang pagpasok naman sa Divilacan ay mula alas-11 ng umaga hanggang alas-1 ng hapon. Exempted lamang dito ang mga may emergency cases at mga nasa official business.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Abayani na ang tinutukoy na emergency cases ay yaong nangangailangan ng serbisyong medikal na hindi available sa mga coastal area, gaya ng X-ray at iba pang espesyal na serbisyo sa kalusugan. Sa kasalukuyan, ginagamit pa rin ang mga 4×4 pickup ng lokal na pamahalaan para sa transportasyon ng mga pasyente dahil hindi pa kayang daanan ng ambulansya ang ilang bahagi ng Ilagan–Divilacan Road.

Sa tala ng Provincial Public Safety Office hanggang alas-12 ng tanghali ng Hunyo 27, nakapagtala na ng 35 motorsiklo, 36 na 4×4 pickup trucks at dalawang SUV na dumaan sa nasabing ruta. Naitala rin ang 109 travel passes para sa Divilacan, 83 para sa Maconacon, at walong biyaheng patungong Palanan gamit ang motorsiklo.

Nilinaw rin ng opisyal na pangunahing pinapayagang bumiyahe ay mga residente ng Divilacan, Maconacon at Palanan. Gayunman, maaari ring mabigyan ng travel pass ang mga non-resident na aktibong nagtatrabaho o naka-deploy sa coastal areas, kabilang ang mga guro, kawani ng pamahalaan at iba pang nasa official travel, basta’t may kaukulang dokumento tulad ng travel order.

Pinaalalahanan din ang mga residenteng lalabas sa coastal municipalities na tumalima sa traffic rules and implementation gaya ng pagkakaroon ng lisensya, pagsusuot ng helmet at iba pa.

Nilinaw din na bagamat may oras na itinakda para sa checkpoint ay 24/7 na naroon ang composite team ng 201st Maneuver company ng RMFB 2 at Ilagan Police Station.

Sakali mang may mga exemted na sasakyan o emergency vehicle ang abutan ng gabi sa biyahe ay hindi parin sila pahihintulutang makalampas sa mga checkpoints.

Patuloy namang hinihikayat ng Provincial Public Safety Office ang publiko na alamin at sundin ang mga itinakdang alituntunin upang maiwasan ang abala at masiguro ang maayos at ligtas na paglalakbay sa mga coastal municipality ng Isabela.