Bahagyang bumilis ang minomonitor na tropical depression sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) habang kumikilos pakanluran sa karagatan sa kanluran ng Guam.
Huling namataan ang sentro nito sa layong 1,850 kilometro sa Silangan ng Eastern Visayas. Taglay nito ang lakas ng hangin na 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong abot sa 70 kilometro bawat oras. Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras.
Inaasahang papasok ang bagyo sa PAR sa pagitan ng bukas ng gabi, Hunyo 20, hanggang Linggo ng umaga, Hunyo 21, at papangalanan ito bilang bagyong Francisco.
Bagama’t mababa ang tsansa na mag-landfall o tumama ito sa kalupaan, maaari itong lumakas at maging isang ganap na tropical storm ngayong araw, at posibleng umabot pa sa kategoryang typhoon sa Linggo.
Dahil sa posibleng paglapit nito sa bansa sa darating na Martes at Miyerkules, hindi inaalis ang posibilidad na magtaas ng Wind Signal No. 1 sa hilaga at silangang bahagi ng Northern Luzon habang patuloy na binabantayan ang mga pagbabago sa direksyon nito.











