Nag-landfall ang Tropical Storm Maymay sa bayan ng Magsingal, Ilocos Sur alas-2:00 ng madaling araw nitong Huwebes, ayon sa PAGASA.
Nauna nang sinabi ng state weather bureau na inaasahang hihina ang bagyo at magiging tropical depression pagsapit ng Huwebes ng umaga bago tuluyang maging low pressure area (LPA) sa hapon o gabi.
Gayunman, sinabi ng PAGASA na posibleng mas maagang humina ang bagyo dahil sa epekto ng mabundok na kalupaan na tinatahak nito.
Batay sa 1:00 a.m. bulletin, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 sa mga lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, hilaga at gitnang bahagi ng La Union, hilagang-kanlurang bahagi ng Pangasinan, kanlurang bahagi ng Apayao, Abra, kanlurang bahagi ng Kalinga, kanlurang bahagi ng Mountain Province, hilagang-kanlurang bahagi ng Benguet, at ilang bahagi ng Cagayan kabilang ang Santa Praxedes at Claveria.
Samantala, nasa ilalim naman ng TCWS No. 1 ang natitirang bahagi ng La Union, Pangasinan, Apayao, Kalinga, Mountain Province at Benguet, gayundin ang Ifugao, Babuyan Islands, mainland Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, at ilang bahagi ng Zambales, Tarlac, Nueva Ecija at Aurora.
Patuloy na pinapayuhan ng PAGASA ang publiko sa mga lugar na sakop ng mga wind signal na manatiling alerto sa posibleng malalakas na hangin, matinding pag-ulan, pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng bagyong Maymay.











