--Ads--

Nasawi ang isang 30-anyos na truck driver matapos makuryente at mahulog mula sa ibabaw ng container van habang tinatangkang alisin ang kawad ng kuryenteng sumabit sa kanilang sasakyan sa Barangay Tagaran, Cauayan City, Isabela.

Batay sa ulat ng Cauayan City Police Station, residente ng Davao City ang biktima at kasama nito ang kaniyang 20-anyos na helper nang mangyari ang insidente.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Raul Dalauidao, sinabi nito na pabalik na sana sa Manila ang dalawa sakay ng trailer truck na may container van matapos makumpleto ang kanilang delivery sa lalawigan.

Habang binabagtas ang barangay road sa Tagaran, sumabit ang container van sa isang kawad ng kuryente dahilan upang huminto ang truck.

--Ads--

Umakyat ang biktima sa ibabaw ng container van upang iangat ang sumabit na kawad, subalit nang mahawakan niya ito ay agad siyang nakuryente at nahulog sa kalsada.

Agad naman siyang nilapitan ng kaniyang helper ngunit wala na itong malay.

Humingi ng tulong sa Rescue 922 ang isang concerned citizen na nakasaksi sa insidente.

Naisugod pa sa pagamutan ang biktima, subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician.