--Ads--

Boluntaryong sumuko sa mga awtoridad ang dalawang indibidwal na sinasabing sangkot sa ilegal na droga sa isinagawang anti-criminality campaign sa Barangay Nagrumbuan at Turayong, Cauayan City, Isabela.

Batay sa ulat ng Cauayan City Police Station, dakong alas-dos y media kahapon, Setyembre 25 nang magsagawa ng intelligence operation ang mga tauhan ng himpilan na pinangunahan ng Intelligence Unit at Intelligence Officer, kaugnay ng kanilang Oplan Sagip.

Nagresulta ito sa boluntaryong pagsuko nina alias Nonoy, 38 anyos, residente ng Barangay Nagrumbuan, at alias Mark, 30 anyos, residente ng Barangay Turayong. Kapwa umano truck driver ang mga ito.

Ayon sa pulisya, nagpahayag ang dalawang indibidwal ng kanilang kahandaang umiwas sa paggamit ng ilegal na droga, gayundin ng pakikipagtulungan sa mga awtoridad at mga opisyal ng barangay sa pagtukoy sa mga indibidwal na posibleng sangkot sa ilegal na aktibidad.

--Ads--

Nangako rin umano ang mga ito na agad na mag-uulat sa mga awtoridad sakaling magkaroon ng impormasyon hinggil sa paggawa, pagbebenta o paggamit ng ilegal na droga sa kanilang lugar.

Dinala ang dalawa sa Cauayan City Police Station para sa booking at dokumentasyon. Matapos ang kinakailangang proseso, pinayagan silang makauwi at isinailalim sa monitoring at supervision ng kani-kanilang barangay