--Ads--

Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nananatiling tuloy-tuloy ang serbisyo ng pamahalaan sa kabila ng iba’t ibang hamon sa loob at labas ng bansa.

Sa isang video message na inilabas sa social media, sinabi ng Pangulo na patuloy ang gobyerno sa pagpapatupad ng mga proyekto, kabilang ang walang patid na konstruksyon at pagtatapos ng mga imprastraktura, mas maayos na access sa serbisyong pangkalusugan, mahigpit na kampanya laban sa kriminalidad, at patuloy na suporta sa mga atletang Pilipino.

Isa sa mga binigyang-pansin ng Pangulo ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program, na aniya ay patuloy na nakakatulong sa mga benepisyaryo sa gitna ng kasalukuyang mga pagsubok.

Ibinahagi rin ni Marcos ang naging pagbisita niya sa ilang housing projects sa Pampanga, kung saan nakita umano niya ang positibong epekto ng mga ito sa buhay ng mga benepisyaryo.

--Ads--

Layunin ng 4PH Program na tugunan ang kakulangan sa abot-kayang pabahay sa bansa, na pinalala pa ng mga nakaraang programa na hindi ganap na natugunan ang pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino.

Sa ilalim ng pinalawak na programa, may opsyon ang mga benepisyaryo na pumili sa pagitan ng horizontal housing (house and lot) at vertical housing (condominium-type units), depende sa kanilang pangangailangan at kakayahan.

Nagbibigay rin ang programa ng subsidiya sa interes na nasa 1% hanggang 3% at mas flexible na terms of payment upang mas mapagaan ang gastusin ng mga benepisyaryo.

Tiniyak ng Pangulo na magpapatuloy ang pamahalaan sa paglikha ng mga solusyon upang matugunan ang pangangailangan sa pabahay ng bawat pamilyang Pilipino.