Iniulat ni Senador Imee Marcos ang pag-aresto sa isang umano’y confidential agent ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos ang insidente ng putukan sa loob ng Senado kagabi.
Aniya, inaresto ang naturang indibidwal matapos umano nitong balikan ang isang tactical bag na naiwan sa hagdanan ng ikalawang palapag ng gusali, kung saan narinig din ang mga putok ng baril.
Hindi pa inilalabas ang pagkakakilanlan ng sinasabing NBI personnel at kung sino ang mismong nag-aresto sa kanya subalit ayon sa nahuli, ang kaniyang “boss” ay isang “Atty. Bomediano” mula sa NBI-Organized and Transnational Crime Division (NBI-OTCD).
Ipinahayag din umano nito na ang kanyang superior ang nag-utos ng operasyon kaugnay ng planong pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na may kinakaharap na arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Hinimok ni Sen. Imee si Atty. Bomediano na magpaliwanag tungkol sa insidente na nauwi sa lockdown at putukan sa Senado.
Itinanggi naman ni NBI Director Melvin Matibag na may ipinadalang tauhan ang NBI sa Senado, taliwas sa pahayag ng senadora.











