--Ads--

Naudlot ang nakatakdang unang cloud seeding operation sa Magat Watershed nitong Huwebes dahil sa masamang lagay ng panahon dulot ng Bagyong Kiyapo, ngunit inaasahan ng National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System o NIA-MARIIS na maipagpapatuloy ito sa susunod na linggo kapag naging ligtas na ang pagpapalipad ng aircraft.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Edwin Viernes, NIA-MARIIS Flood Forecasting and Instrumentation Head, sinabi niya na hindi natuloy ang nakatakdang cloud seeding operation dahil sa umiiral na wind signal sa Isabela na nagdulot ng panganib sa pagpapalipad ng eroplano.

Ayon sa kanya, kung magiging maayos ang lagay ng panahon at aalisin na ang wind signal sa lalawigan, posible nang maumpisahan ang operasyon sa Lunes.

Samantala, sinabi ni Engr. Viernes na patuloy na bumababa ang lebel ng tubig sa Magat Dam sa kabila ng mga naranasang pag-ulan.

--Ads--

Mula sa reservoir elevation na 161.54 meters alas-dose ng hatinggabi, bumaba ito sa 161.38 meters pagsapit ng alas-3 ng hapon.

Ipinaliwanag niyang mas malaki ang inilalabas na tubig para sa irigasyon kaysa sa pumapasok na inflow sa dam.

Batay sa kanilang tala, umabot sa 143 cubic meters per second ang outflow habang 73.9 cubic meters per second lamang ang inflow kaya patuloy na bumababa ang antas ng tubig sa reservoir.

Bagama’t may mga pag-ulan sa mga bahagi ng Ifugao at Nueva Vizcaya, sinabi niyang hindi ito sapat upang mapataas ang lebel ng tubig sa Magat Dam.

Sa kasalukuyan, nasa humigit-kumulang 88,000 ektarya na ang napapatubigan ng NIA-MARIIS at bukas ang lahat ng irrigation canals upang matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka.

Mayroon pa ring ilang lugar na limitado ang suplay ng patubig kabilang ang bahagi ng Naguilian, Cordon at Reina Mercedes sa Isabela, gayundin ang lalawigan ng Quirino, bagama’t nagsasagawa ang ahensya ng mga hakbang upang maipaabot ang tubig sa iba pang lugar.