Patuloy na binabantayan ng Isabela Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, o PDRRMC, ang kondisyon ng panahon at ang lebel ng tubig sa Magat Dam.
Ito ang naging mahalagang usapin sa isinagawang third quarter regular council meeting ng PDRRMC ngayong araw ng Huwebes, Agosto 27 sa PDRRMC Building, Provincial Capitol compound ng Ilagan City.
Kabilang sa pangunahing tinalakay sa pagpupulong ang weather situation sa Northern Luzon na inilahad naman ni Ginoong Mark Loui Vergara ng DOST Pag-ASA.
Batay sa pinakahuling forecast ng state weather bureau, nakararanas ang Northern Luzon ng maulap na karangitaan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm bunsod ng southwest monsoon o habagat.
Inaasahan din aniya ang mga pag-ulan at thunderstorm sa Biyernes habang posible ang paminsan-minsan pag-ulan hanggang sa mga susunod pa na mga araw.
Sa kabila ng umiiral na posibilidad ng pag-ulan, binigyang-pansin ni PDRRMO Atty. Constante Fronda Jr. ang epekto ng kakulanganan ng sapat na pag-ulan sa Magat reservoir, partikular sa kakayahan nitong makarecover sa kinakailangang lebel ng tubig.
Noong Hulyo ay inilunsad ng Department of Agriculture ang cloud seeding operations sa Magat watershed upang makatulong sa pagpapataas ng water inflow sa reservoir, na tiyak ang sapat na supply para sa mga magsasaka.
Samantala, natapos nitong Agosto 26 ang cloud seeding operations sa Magat Dam.










