--Ads--

Tumaas sa 5% ang unemployment rate sa Pilipinas nitong Marso 2026, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Ayon kay PSA Undersecretary Dennis Mapa, katumbas ito ng tinatayang 2.58 milyong Pilipino na walang trabaho. Mas mataas ito kumpara sa 3.9% noong Marso 2025, ngunit bahagyang mas mababa kaysa sa naitalang antas noong Pebrero 2026.

Samantala, nasa 12.3% o humigit-kumulang 6.03 milyong Pilipino ang underemployed—mga may trabaho ngunit naghahanap pa ng dagdag na oras o pagkakakitaan.

Bilang tugon, inihayag ng Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) na magpapatupad ang pamahalaan ng mga hakbang upang mapanatili ang trabaho at mapalakas ang social protection, job-skills matching, at reskilling programs, lalo na para sa mga apektado ng tensyon sa Middle East.

--Ads--

Ayon kay DEPDev Secretary Arsenio Balisacan, palalakasin ng gobyerno ang pagbibigay ng tulong tulad ng fuel subsidies at suporta para sa transport workers, magsasaka, at mangingisda. Gagamitin din ang mga digital platform gaya ng e-wallets upang mapabilis ang distribusyon ng ayuda.

Dagdag pa rito, tiniyak ng pamahalaan ang patuloy na suporta sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng krisis sa Middle East, kabilang ang mga programang pangkabuhayan, pagsasanay, at tulong pinansyal.

Sa kabila nito, nananatiling mataas ang employment rate sa 95%, na katumbas ng 49.07 milyong Pilipino na may trabaho. Nangunguna pa rin ang sektor ng serbisyo bilang pinakamalaking tagapag-empleyo, kasunod ang agrikultura at industriya.

Nakitaan naman ng pagtaas ng trabaho sa sektor ng transportasyon at administrative services, habang bumaba ang bilang ng manggagawa sa pangingisda at manufacturing.

Sa hanay ng kabataan, bumaba sa 87.4% ang employment rate, at mahigit 700,000 sa kanila ang underemployed.

Patuloy namang hinihikayat ng pamahalaan ang pakikiisa ng iba’t ibang sektor upang mapanatili ang katatagan ng ekonomiya at mapalawak pa ang mga oportunidad sa trabaho.