--Ads--

Nanatiling tikom ang bibig ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa posibilidad na manatili sa Camp Crame si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na kasalukuyang umanong nagtatago.

Kasunod ito ng pagkawala ni Dela Rosa mula sa protective custody ng Senado, matapos ang paniniwala na maaaring hindi siya ligtas mula sa pag-aresto kaugnay ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC).

Nauna nang sinabi ni suspended Senate Sergeant-at-Arms Chief Mao Aplasca na narinig umano niya ang pahayag ni Dela Rosa sa pakikipag-usap kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., kung saan nabanggit ang posibilidad na pansamantalang magpa-custody ito sa “White House” sa loob ng Camp Crame.

Ang tinatawag na “White House” ay opisyal na tirahan ng PNP Chief sa loob ng kampo, na matatagpuan malapit sa National Headquarters ng pambansang pulisya.

--Ads--

Gayunman, tumanggi nang magbigay ng pahayag si PNP Spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño at sinabing “no comment” sa tanong ng media kung maaari itong mangyari kahit may umiiral na warrant laban sa senador.

Una nang nilinaw ng PNP na wala pa silang magagawang aksyon sa naturang warrant dahil wala pa umanong court order para sa extradition at wala rin umanong koordinasyon mula sa Interpol.