Ipinasu-summon ng Regional Trial Court (RTC) Branch 11 sa Balayan, Batangas si Palace Press Officer Atty. Claire Castro kaugnay ng civil libel case na isinampa laban sa kanya.
Matatandaan na nitong Enero 16 ay sinampahan ni Batangas Rep. Leandro Leviste ng kasong cyber libel si Castro kaugnay ng umano’y mapanirang pahayag nito laban sa kaniya.
Ibinahagi ng opisina ni Batangas Rep. Leandro Leviste nitong Sabado ang dokumento na nagsasaad na na-raffle na sa naturang korte noong Enero 28 ang kasong inihain ng mambabatas laban kay Castro.
“The Branch Clerk of Court is ordered to issue Summons in accordance with existing rules,” ayon sa dokumento.
Sa reklamo, humihiling si Leviste ng P100 milyon bilang moral damages, P10 milyon bilang exemplary damages, at P1 milyon para sa attorney’s fees.
Nag-ugat ang reklamo sa mga pahayag ni Castro sa kanyang vlog na umano’y ibinenta ni Leviste ang prangkisa ng kanyang solar energy company, na pinabulaanan ng mambabatas.











