--Ads--

Pormal nang binuksan ang selebrasyon ng Balamban Dance Festival kasabay ng ika-32 Cityhood Founding Anniversary ng Santiago City sa isinagawang programa sa City Hall Park, kahapon, Abril 25.
‎
‎Nagsimula ang aktibidad sa isang banal na misa bilang pasasalamat, na sinundan ng opening program na dinaluhan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan at iba’t ibang sektor ng komunidad.
‎
‎Bahagi ng naturang programa ang paglulunsad ng KaisaKa App, isang mobile application ng pamahalaang lungsod na layong mapalapit at mapabilis ang paghahatid ng serbisyo sa mamamayan.
‎
‎Ayon kay Atty. Alyssa Sheena Tan-Dy, alkalde ng nasabing lungsod, sinabi nito na ang KaisaKa App ay isang hakbang tungo sa mas mabilis, mas transparent, at mas accessible na serbisyo para sa mga Santiagueño.
‎
Aniya, sa pamamagitan ng naturang app ay mas mapapadali ang pakikipag-ugnayan ng publiko sa lokal na pamahalaan at mas mapapalakas ang partisipasyon ng bawat mamamayan.
‎
‎Kasunod ng opening program ay isinagawa rin ang ribbon-cutting ceremony bilang hudyat ng pormal na pagbubukas ng Balamban Trade Fair sa lungsod, na tampok ang iba’t ibang lokal na produkto at negosyo.
‎‎
‎Samantala, inaasahan ang sunod-sunod na aktibidad sa mga darating na araw bilang bahagi ng pagdiriwang na layong ipakita ang mayamang kultura, talento, at pagkakaisa ng mga Santiagueño.