--Ads--

Inanunsyo ng Vatican na ang mga pari at lay Catholics na kabilang sa konserbatibong grupong Society of St. Pius X (SSPX) ay nasa estado na ng schism o paghihiwalay sa Simbahang Katolika at itinuturing nang excommunicated matapos magsagawa ng pagtatalaga ng mga obispo nang walang pahintulot ni Pope Leo XIV.

Sa inilabas na kautusan ng Dicastery for the Doctrine of the Faith, ang pangunahing tanggapan ng Vatican na nangangasiwa sa doktrina ng Simbahan, sinabi na ang grupong nakabase sa Switzerland ay nagsasagawa na ng mga sakramento sa paraang hindi kinikilala ng Simbahang Katolika.

Ayon sa kautusan, hindi maaaring balidong mangasiwa ng kasal at kumpisal ang mga pari ng Society of St. Pius X dahil sa kanilang kasalukuyang katayuan sa Simbahan.

Inilabas ang kautusan isang araw matapos italaga ng grupo ang apat na bagong obispo sa Switzerland sa kabila ng panawagan ni Pope Leo XIV na huwag ituloy ang naturang hakbang.

--Ads--

Sa ilalim ng patakaran ng Simbahang Katolika, tanging ang Santo Papa lamang ang may kapangyarihang magbigay ng pahintulot sa pagtatalaga ng mga bagong obispo.

Batay sa pahayag ng Vatican, awtomatikong excommunicated ang dalawang obispong nanguna sa seremonya at ang apat na paring sangkot sa pagtatalaga.

Gayunman, pinalawak pa ng Vatican ang hakbang at idineklara na maging ang lahat ng pari ng Society of St. Pius X at mga Katolikong pormal na sumusuporta sa grupo ay itinuturing nang nasa schism at excommunicated.

Ang schism ay isang seryoso at pormal na paghihiwalay mula sa pagkakaisa ng Simbahang Katolika.

Hindi agad nagbigay ng pahayag ang Society of St. Pius X kaugnay ng pagtitiwalag. Nauna nilang sinabi na kinailangan nilang ituloy ang pagtatalaga ng mga obispo dahil sa tinawag nilang “pambihirang mga pangyayari.”

Sa isang liham na ipinadala sa grupo noong Lunes, binalaan ni Pope Leo XIV ang mga miyembro nito tungkol sa bigat ng kanilang ginagawa.

Samantala, sinabi ni Vatican Secretary of State Cardinal Pietro Parolin na labis na ikinalulungkot ng Simbahan ang naturang pangyayari.

Ang Society of St. Pius X ay binubuo ng mga tradisyonal at konserbatibong Katoliko na tutol sa ilang repormang ipinatupad matapos ang Ikalawang Konseho ng Vatican noong dekada 1960. Tinatayang may humigit-kumulang 600,000 tagasunod ang grupo sa iba’t ibang bahagi ng mundo.