--Ads--

Sugatan ang isang lalaki matapos umanong saksakin ng live-in partner ng kaniyang dating kinakasama sa Barangay Nagrumbuan, Cauayan City nitong Mayo 17.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si ‘Jaja’, 31-anyos, isang fried chicken vendor at residente ng naturang barangay. Samantala, kinilala naman ang suspek na si ‘Nathan’, 32-anyos, magsasaka at residente rin ng parehong lugar.

Batay sa ulat ng Philippine National Police, naganap ang insidente bandang alas-9:30 ng umaga sa tahanan ng isa nilang kakilala sa Purok 6, Barangay Nagrumbuan.

Sa inisyal na imbestigasyon, nagtungo umano ang biktima sa bahay ng kaniyang dating live-in partner. Nang dumating ang babae kasama ang kasalukuyan nitong live-in partner na siyang suspek, nilapitan umano ng biktima ang dating kinakasama at naningil ng pera.

--Ads--

Subalit dahil umano sa kawalan ng maibabayad ng babae, nauwi sa mainitang pagtatalo ang usapan hanggang sa magkaroon ng komosyon sa pagitan ng biktima at suspek.

Dito na umano kumuha ng improvised knife ang suspek at sinaksak ang biktima sa kaliwang bahagi ng likod nito.

Agad namang namagitan ang mga residente sa lugar at humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay na siyang nagsagawa ng citizen’s arrest laban sa suspek.

Kalaunan ay dumating ang mga tauhan ng pulisya at tuluyang inaresto ang suspek. Narekober din ng mga awtoridad ang improvised knife na ginamit sa pananaksak.

Ayon pa sa pulisya, selos at galit umano ang tinitingnang motibo sa insidente.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa naturang kaso habang a ang kaukulang reklamo laban sa suspek.