--Ads--

Iginiit ni Vice President Sara Duterte na ang mga testimonya ni dating Senador Antonio Trillanes IV sa pagdinig ng House Committee on Justice ay umano’y kabilang sa plano ng administrasyong Marcos.

Sa gitna ng nagpapatuloy na impeachment proceedings laban sa kanya, kinuwestiyon din ni Duterte ang umano’y hindi regular na pagkilos ng Commission on Audit (COA) at Anti-Money Laundering Council (AMLC), na kabilang sa mga ahensyang pinatawan ng subpoena para magsumite ng mga dokumento at dumalo sa pagdinig kaugnay ng mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman at umano’y anomalya sa pondo.

Ayon sa mga ulat ng Kamara, si Trillanes ay isa sa mga pangunahing testigo na inatasang magsumite ng mga dokumento at tumestigo hinggil sa mga paratang ng unexplained wealth at hindi pagdeklara ng ilang assets sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng bise presidente.

Samantala, kabilang din ang AMLC at COA sa mga ahensyang inatasang magbigay ng mga financial at audit records bilang bahagi ng mas malawak na imbestigasyon ng House panel.

--Ads--

Hindi dumalo si Duterte sa pagdinig, na pangatlong pagkakataon na niyang pagliban sa impeachment hearings. Patuloy namang isinasagawa ng Kamara ang pagdinig upang matukoy kung may sapat na batayan para sa susunod na hakbang sa proseso ng impeachment.