--Ads--

Kinuwestiyon ni Vice President Sara Duterte ang Office of the President dahil sa patuloy umanong pagsisiwalat ng kaniyang travel schedule, na aniya’y maaaring maglagay sa panganib sa kaniyang seguridad.

Ayon kay Duterte, seryosong usapin ang patuloy na paglalabas ng impormasyon tungkol sa kaniyang mga biyahe dahil maaari umano itong maglantad sa kaniya sa mas mataas na security risks.

Itinanggi rin ng Bise Presidente ang ilang ulat tungkol sa kaniyang nakatakdang biyahe sa Japan, at sinabing nagbago na ang kaniyang plano at naipasa na sa Office of the President ang updated na impormasyon.

Hinimok din niya ang mga media organization na tiyaking beripikado ang impormasyon bago ito ilabas sa publiko at huwag unahin ang pagpapalakas ng atensyon o sensationalized reporting.

--Ads--

Samantala, sinabi ng Office of the Vice President na natanggap nito bandang alas-4:08 ng hapon nitong Martes ang opisyal na pagkansela ng travel authority ni Duterte mula sa Office of the President.

Hinamon din ng Bise Presidente ang Malacañang na ilabas sa publiko ang travel authorities at kaukulang gastusin ng iba pang opisyal at empleyado ng gobyerno na inaprubahan ng Office of the President.

Giit ni Duterte, dapat patas ang transparency at accountability at hindi lamang nakatuon sa isang tanggapan o opisyal.