--Ads--

Matapos ipagpaliban ang arraignment sa Quezon City Regional Trial Court o RTC kaugnay ng tatlong bilang ng grave threats, hinarap ni Vice President Sara Duterte ang kaniyang mga tagasuporta at naglabas ng pahayag.

Ayon kay Duterte, ipagpapatuloy niya ang kaniyang laban at hindi siya basta-basta susuko sa kabila ng mga kasong kinakaharap.

Aniya, hindi niya hahayaang manaig ang mga pulitikong nais siyang mapatalsik sa puwesto, na aniya ay sila rin ang tunay na nakikinabang at naglulustay sa pondo ng bayan.

Binigyang-diin pa ng Bise Presidente na hindi dapat kalimutan ng publiko ang isyu ng talamak na korapsyon na kinakaharap ng administrasyon, lalo na’t marami umano sa mga nakaupo sa puwesto ang nakinabang dito.

--Ads--

Sinabi rin ni Duterte na magpapatuloy sila sa kanilang ipinaglalaban kahit batid nilang may mga kaalyado ng administrasyon na gumagawa ng paraan upang tuluyan siyang maalis sa puwesto.

Muling nagpasalamat ang Bise Presidente sa kaniyang mga tagasuporta dahil sa kanilang patuloy na pakikiisa at pagpapakita ng malasakit sa kaniya at sa pamilya Duterte.