Tinawag ni Vice President Sara Duterte na isang “waste of time” o pagsasayang ng oras para sa mga Pilipino ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa isang panayam sa The Hague, Netherlands, sinabi ng Bise Presidente na hindi niya pinanood ang SONA ng Pangulo, katulad ng ginawa niya noong mga nakaraang taon. Aniya, wala rin siyang planong basahin maging ang buod ng talumpati dahil naniniwala siyang hindi ito makabubuti sa mga mamamayan.
Binanggit din ni Duterte ang ilang pangakong aniya’y hindi natupad ng administrasyon, kabilang ang pangakong pabababain sa ₱20 kada kilo ang presyo ng bigas.
Kinuwestiyon din niya ang mga naunang pahayag na may mga makukulong bago mag-Pasko, partikular na mga miyembro ng Kamara, na hindi naman umano nangyari.
Ayon pa sa Bise Presidente, mayroon ding mga napagkasunduan sila ni Marcos bago sila tumakbo bilang magka-tandem na hindi rin umano naisakatuparan.
Ito na ang ikatlong magkakasunod na taon na hindi dumalo at hindi rin nanood si Duterte ng SONA ni Pangulong Marcos.











