Patuloy na bumababa ang water elevation ng Magat Dam dahil sa kakulangan ng pag-ulan at mababang inflow ng tubig, na maaaring magdulot ng kakulangan sa suplay ng patubig para sa mga magsasaka sa mga susunod na linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA-MARIIS, sinabi niyang kasalukuyang nasa 167.32 metro na lamang ang water elevation ng Magat Dam habang nasa 10 cubic meters per second lamang ang pumapasok na tubig kumpara sa 130 hanggang 150 cubic meters per second na inilalabas nito, dahilan upang magpatuloy ang pagbaba ng antas ng tubig sa dam.
Ayon kay Dimoloy, batay sa kanilang pagtataya ay maaari nilang maabot ang critical elevation na 160 metro pagsapit ng Hulyo 4. Kapag nangyari ito, hindi na mapapagana ang ilan sa mga canal ng dam na nagsusuplay ng tubig sa mga sakahan.
Pinangangambahang higit na maapektuhan ang mga magsasakang nakikinabang sa Balikatan Diversion Dam, lalo na ang mga hindi pa nakapagtatanim. Dahil dito, pinapayuhan ng NIA-MARIIS ang ilan sa mga magsasaka na ipagpaliban muna ang pagtatanim upang maiwasan ang malaking gastusin bunsod ng kakulangan sa tubig. Inirerekomenda rin nila ang pagtatanim ng mga high-value crops gaya ng mais na hindi nangangailangan ng maraming patubig.
Aniya, ang pinakamababang water elevation na naitala ng kanilang tanggapan ay 157 metro, ngunit posible itong malampasan kung magpapatuloy ang kawalan ng sapat na ulan sa watershed ng dam.
Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang NIA-MARIIS sa Department of Agriculture para sa pagsasagawa ng cloud seeding upang makatulong sa pagdagdag ng suplay ng tubig. Inaprubahan na rin ng pamunuan ng DA Region 2 ang pagpapabilis sa implementasyon nito, na target simulan sa unang linggo ng Hulyo matapos makuha ang mga kinakailangang clearance.
Dagdag pa ni Dimoloy, malaking epekto ng El Niño ang nararanasan sa kasalukuyan kaya nagsasagawa sila ng mga mitigating measures tulad ng Alternate Wetting and Drying upang mabawasan ang konsumo at pagpapakawala ng tubig mula sa dam.
Babala niya, kung bababa pa sa 155 metro ang water elevation ng Magat -Dam, maaari nang lumitaw ang mga bahagi ng ilalim ng dam na natatakpan ng tubig. Aniya, patuloy na bumababa ang inflow dahil karamihan sa mga pag-ulan nitong mga nakaraang araw ay nasisipsip lamang ng lupa at hindi umaabot sa mga ilog na nagsusuplay ng tubig sa reservoir.









