Nagbabala ang National Irrigation Administration–MARIIS na posibleng tuluyang ihinto ang pagpapadaloy ng tubig para sa irigasyon kung hindi makakaranas ng sapat na pag-ulan sa watershed ng Magat Dam hanggang Hulyo 20.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA-MARIIS, sinabi nitong bagama’t bahagyang tumaas ang water elevation ng Magat Dam matapos pansamantalang isara ang Maris Main Canal, nananatiling mababa ang suplay ng tubig dahil halos walang makabuluhang pag-ulan sa watershed.
Aniya, sa kasalukuyan ay binibigyan muna nila ng limitadong suplay ng tubig ang Baligatan Diversion Dam upang mapatubigan ang ilang bahagi ng Santiago City, Cordon, Echague at Quirino.
Ayon kay Engr. Dimoloy, kung magpapatuloy ang kakulangan ng ulan hanggang Hulyo 20 ay maaari na nilang isara ang irigasyon dahil maaabot na ang minimum operating level ng dam. Kapag nangyari ito, tanging mga sakahang may sariling shallow tube well o solar irrigation system na lamang ang posibleng makapagpatuloy sa pagtatanim.
Sinabi rin ng opisyal na patuloy silang nagsasagawa ng information dissemination sa mga magsasaka upang maunawaan ang sitwasyon at makapaghanda. Nagbigay na rin aniya ang NIA ng fuel subsidy sa ilang apektadong magsasaka na gumagamit ng shallow tube wells, habang nakikipag-ugnayan din sila sa Department of Agriculture (DA) at iba pang ahensya upang hikayatin ang pagtatanim ng alternatibong pananim na hindi gaanong nangangailangan ng tubig.
Nagpasalamat naman si Engr. Dimoloy sa kooperasyon ng mga irrigators’ association at mga magsasaka na aniya’y nauunawaan ang kasalukuyang sitwasyon kaya naiiwasan ang alitan sa distribusyon ng tubig.
Umaasa rin siyang malalampasan ang krisis sa pamamagitan ng patuloy na koordinasyon ng NIA, mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno, habang hinihintay ang pagdating ng sapat na pag-ulan.











