Target ng mga awtoridad na maitala ang zero drowning incident ngayong Semana Santa sa pamamagitan ng pinaigting na pagbabantay sa mga ilog, bar at iba pang lugar na dinarayo ng publiko.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLtCol. Avelino Canceran Jr., Chief of Police ng Cauayan City Police Station, pangunahing layunin ng kapulisan ang kaligtasan ng publiko, lalo na sa mga lugar na karaniwang pinupuntahan para sa paliligo. Mas mahigpit na pagbabantay at monitoring ang ipatutupad sa mga itinuturing na critical areas upang maiwasan ang anumang aksidente o insidente.
Bukod sa mga ilog at resort, tututukan din ng kapulisan ang mga bar at inuman kung saan inaasahang dadagsa ang mga tao sa panahon ng bakasyon. Ayon sa pulisya, dalawang beses iikot ang mga awtoridad sa mga bar bawat gabi upang magsagawa ng inspeksyon at tiyaking nasusunod ang mga umiiral na patakaran at maiwasan ang mga kaguluhan o insidente na may kaugnayan sa labis na pag-inom ng alak.
Makikipagtulungan ang hanay ng barangay tanod, PNP, POSD, at rescue teams upang masiguro ang agarang pagtugon sakaling may emergency.
Pinaalalahanan ng kapulisan ang mga mamamayan at turista na sumunod sa mga itinakdang alituntunin sa kaligtasan, tulad ng hindi paglangoy sa mga ipinagbabawal na bahagi ng ilog, pagbabantay sa mga bata, at pagiging responsable sa pag-inom ng alak.
Binibigyang-diin ng kapulisan na ang kooperasyon ng publiko ang susi upang makamit ang zero drowning incident at mapanatili ang maayos at ligtas na pagdiriwang ng Semana Santa.











