Maglalaan ang Barangay District III ng humigit-kumulang ₱2.5 milyon mula sa supplementary fund noong 2024 para sa pagbili ng transport vehicle at lupa na pagtatayuan ng evacuation center ng barangay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Oscar Calabbun, Treasurer ng Barangay District III, layunin ng pamunuan ng barangay na mapalakas ang kanilang disaster preparedness at masiguro ang kaligtasan ng mga residente lalo na sa panahon ng kalamidad.
Ipinaliwanag niya na ang kanilang barangay ay kabilang sa mga flood-prone area, dahilan upang gawing prayoridad ang pagkakaroon ng maayos, ligtas, at permanenteng evacuation center.
Dagdag pa ni Calabbun, malaking tulong ang pagkakaroon ng sariling evacuation center upang hindi na mangailangan pang makipag-ugnayan sa ibang barangay o paaralan tuwing may pagbaha o sakuna.
Bukod dito, ang pagbili ng transport vehicle ay makatutulong sa agarang paglikas ng mga residente, lalo na ng mga bata, matatanda, at persons with disabilities, gayundin sa mabilis na paghahatid ng relief goods at iba pang pangunahing pangangailangan.
Binanggit din niya na ang nasabing pondo ay maingat na pinag-aralan at inaprubahan upang masiguro na ito ay magagamit nang wasto at makikinabang ang buong komunidad.
Inaasahan ng pamunuan ng barangay na sa oras na maisakatuparan ang mga proyektong ito, mas magiging handa ang Barangay District III sa pagharap sa mga kalamidad at mas mapapabuti ang kaligtasan at kapakanan ng kanilang mga nasasakupan.











