Nakarekober ang mga awtoridad ng mga vintage bomb sa isang taxiway sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Complex, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Lunes.
Batay sa ulat ng PNP Aviation Security Group Explosives Ordnance Disposal at K9 Unit, natagpuan ang tinatawag na Explosive Remnants of War na kinabibilangan ng anim na 50-pound general-purpose bombs bandang 2:50 ng hapon noong Linggo.
Ayon sa pulisya, kalawangin na ang mga bomba at kumpirmadong hindi na aktibo o gumagana.
Sa isinagawang karagdagang clearing operation, nadiskubre pa ang apat na 50-pound bombs at 18 bombang may bigat na 25 pounds bawat isa.
Ipinaliwanag ng pulisya na ang lahat ng narekober na pampasabog ay inert na at wala nang banta sa kaligtasan ng publiko.
Inilipat ang mga ito sa Aviation Security Unit headquarters para sa dokumentasyon at ligtas na pag-iingat.
Tiniyak ni PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na ang bawat ulat ng posibleng banta ay seryosong tinutugunan at inaaksyunan agad nang may pag-iingat.











