Tinatayang 1,100 board feet ng sawn lumber na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱55,000 ang nasamsam ng mga awtoridad sa isinagawang anti-illegal logging operation sa Barangay Buyasan, San Mariano, Isabela nitong Agosto 22, 2026.
Isinagawa ang operasyon bandang alas-10:12 ng umaga sa bahagi ng Digusi River at pinangunahan ng San Mariano Police Station, katuwang ang mga tauhan ng 201st Regional Mobile Force Battalion 2 at mga opisyal ng Barangay Buyasan.
Nasamsam sa lugar ang mga sawn lumber o dos lapad na tinatayang aabot sa 1,100 board feet.
Tatlong hinihinalang sangkot, na pawang nasa hustong gulang at residente ng Sitio Nabantad, Barangay Buyasan, ang kinilala sa mga alyas na “Gudo,” isang magsasaka; “Marlon,” isang chainsaw operator; at “Jay.”
Pawang nakatakas ang mga ito at patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.
Dinala naman sa San Mariano Police Station ang mga nakumpiskang produktong kahoy para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon alinsunod sa batas.
Bahagi ang operasyon ng pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa kriminalidad at iba pang ilegal na gawain, katuwang ang mga concerned agencies at komunidad.











