--Ads--

Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang aabot sa ₱1.42 milyong halaga ng mga pekeng at hindi rehistradong pataba sa isinagawang operasyon kahapon, Mayo 1, 2026 sa Brgy. Sta. Isabel Norte, Lungsod ng Ilagan.

Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant ng pinagsanib na puwersa ng CIDG Isabela Provincial Field Unit bilang lead unit, katuwang ang RIU2 PIT Isabela East, Ilagan City Police Station, Bureau of Fire Protection Ilagan, at Fertilizer and Pesticide Authority Region 2.

Sa naturang operasyon, naaresto ang isang suspek na itinago sa alyas na “Rody,” habang nasabat ang mga pekeng at unregistered na fertilizers na pinaniniwalaang mapanganib sa kalusugan ng mga magsasaka at mamimili.

Ayon sa Philippine National Police, bahagi ito ng pinaigting na kampanya laban sa mga ilegal na produkto na maaaring magdulot ng panganib sa komunidad.

--Ads--

Sinabi naman ni CIDG Region 2 Regional Chief PCol. Rodrigo Bunagan Soriano na magpapatuloy ang kanilang suporta sa mga hakbang para matiyak ang kaligtasan at kaayusan sa komunidad, kasunod ng direktiba ng pamunuan ng PNP at CIDG.