--Ads--

Inihayag ni Senador Panfilo Lacson na umaabot umano sa ₱11.4 bilyon ang kabuuang budget insertions na nauugnay kina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano at Senadora Pia Cayetano sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA).

Ayon kay Lacson, tinatayang ₱6.7 bilyon ang inilaan sa mga proyektong iniuugnay kay Alan Cayetano, habang ₱4.7 bilyon naman ang nakatalaga kay Pia Cayetano. Sinabi niya na halos nagamit na ang buong pondong nakaugnay kay Alan, maliban sa humigit-kumulang ₱75 milyon, at karamihan sa mga proyekto ay matatagpuan sa Taguig City.

Samantala, patuloy pa umanong sinusuri ng kanilang grupo ang mga dokumentong may kaugnayan sa sinasabing ₱4.7 bilyong budget insertion ni Pia Cayetano. Sa ngayon, wala pa aniyang nakikitang direktang ugnayan ang naturang pondo sa mga flood control project na kanilang iniimbestigahan.

Ang pahayag ni Lacson ay kaugnay ng kanyang mga naunang alegasyon tungkol sa umano’y mga iregularidad sa ilang flood control at reclamation projects sa bahagi ng Laguna de Bay na nasasakupan ng Taguig City.

--Ads--

Kasabay nito, sinabi ng senador na ang lahat ng reclaimed areas sa Taguig na walang kinakailangang permit—pagmamay-ari man ng lokal na pamahalaan o ng pribadong sektor—ay maaaring mapasailalim sa forfeiture pabor sa pambansang pamahalaan.

Nagpalabas din aniya ng cease-and-desist orders laban sa mga nagpapatuloy na slope protection at mitigation projects sa mga naturang lugar habang isinasagawa ang kaukulang pagsusuri at imbestigasyon.