--Ads--

Mariing kinondena ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang umano’y pag-atake ni Senador Alan Peter Cayetano sa kanyang integridad at iginiit na may mga impormante at saksi na aniya’y handang magbigay ng ebidensya laban sa kapwa senador.

Sa inilabas na pahayag ni Lacson ngayong Linggo, sinabi niyang ang kanyang integridad ang kanyang pangunahing depensa bilang lingkod-bayan at handa niya itong ipaglaban matapos umanong kwestyunin ni Cayetano ang kanyang kredibilidad.

Ayon kay Lacson, patuloy siyang tumatanggap ng impormasyon mula sa mga impormante at saksi na maaaring magbigay ng ebidensya laban kay Cayetano. Dagdag pa niya, hindi siya naging abusado o korap na opisyal ng pamahalaan sa kanyang panunungkulan.

Nag-ugat ang tensyon matapos kwestyunin ni Cayetano sa isang Facebook Live broadcast noong Sabado ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Lacson, kung saan sinabi nitong tila dumoble umano ang net worth ng senador.

--Ads--

Pinabulaanan naman ito ni Lacson at iginiit na lehitimo ang pinagmulan ng kanyang yaman mula sa kanyang mga pribadong negosyo. Aniya, tumaas lamang ang kanyang kita matapos siyang umalis sa serbisyo publiko, bagay na maaari umanong mapatunayan sa kanyang income tax returns.

Bilang tugon, inakusahan din ni Lacson si Cayetano ng pagkakaroon umano ng P6.79 bilyong budget insertions sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA), na kanyang iniuugnay sa pork barrel. Iginiit din niya na hindi siya kailanman tumanggap ng kickback o lobby money kaugnay ng kanyang tungkulin bilang mambabatas.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag si Cayetano kaugnay sa mga paratang ni Lacson.