Nasawi ang isang katao habang tatlo ang nasugatan matapos gumuho ang lupa sa isang apartment building sa South Korea bunsod ng matinding pag-ulan na patuloy na nararanasan sa katimugang bahagi ng bansa.
Batay sa ulat ng isang local news agency, tumama ang landslide sa isang residential apartment building sa lungsod ng Geoje sa South Gyeongsang Province kung saan natabunan ang unang palapag ng gusali.
Tatlong residente ang naiahon ng mga rescuer mula sa gusali, subalit isa sa kanila ang kalauna’y binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital.
Nagbabala naman ang Korea Meteorological Administration sa patuloy na malalakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng southern region. Ayon sa ahensya, may mga lugar na nakapagtala na ng hanggang 800 milimeters ng ulan mula pa noong Sabado, kasabay ng pagkulog at pagkidlat.
Sa Geoje, isang baybaying lungsod malapit sa Busan, umapaw ang mga ilog at nalubog sa baha ang ilang pangunahing kalsada, na nagdulot ng pagkaantala sa trapiko at pagkaka-stranded ng ilang residente.
Dahil sa banta ng karagdagang pagguho ng lupa, inilikas ng mga awtoridad ang nasa 100 residente sa lungsod habang nagpapatuloy ang operasyon upang mailigtas ang humigit-kumulang 20 katao na na-trap sa mga apektadong lugar.
Patuloy namang nakaalerto ang mga emergency response team habang minomonitor ng mga awtoridad ang sitwasyon sa mga lugar na nakararanas ng matinding pag-ulan at posibleng pagguho ng lupa.










