Itinaya ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) mula sa Cauayan City, Isabela ang kanyang sariling buhay upang mailigtas ang isang Pinay na tinangay ng malakas na agos ng tubig sa isang tourist destination sa Taiwan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dhen Mark Quitoriano Suga, ikinuwento nitong naganap ang insidente habang namamasyal sila ng kanyang mga katrabaho sa kanilang day-off sa isang kilalang pasyalan.
Ayon sa OFW, dinarayo ng mga turista ang lugar dahil sa magandang tanawin, ngunit naging mapanganib ito dahil sa sunod-sunod na pag-ulan na nagdulot ng malakas na agos ng tubig at madudulas na mga bato.
Nangyari ang insidente habang nagpapakuha ng larawan ang biktimang Pilipina nang madulas ito at tangayin ng rumaragasang tubig. Bagama’t maraming nakasaksi, walang agad na nakalapit upang sumaklolo dahil sa lakas ng agos.
Bagama’t nagluluto siya noong mga oras na iyon at nasa malayong bahagi ng lugar, agad siyang tumakbo nang mapansing nalulubog at inanod ang biktima.
Sa pagsagip, una niyang naabutan at nahawakan ang babae ngunit muli itong natangay ng tubig dahil sa sobrang dulas ng mga bato. Nang tuluyan na itong lumubog, hindi na siya nagdalawang-isip na tumalon sa tubig upang habulin at iligtas ang biktima.
Habang kapwa sila inaanod ng malakas na agos, nakakita sila ng isang baging na kanilang kinapitan habang naghihintay ng saklolo.
Aminado si Suga na dumating sa puntong sinabi niya sa biktima na pakawalan na lamang siya upang mailigtas niya ang sarili dahil kapwa na sila nanganganib malunod. Gayunman, dahil sa matinding takot, lalo umanong kumapit ang babae sa kanya kaya lalo silang nahirapang makaalis sa agos.
Tinatayang lima hanggang sampung minuto silang nakipagbuno sa rumaragasang tubig bago tuluyang nasaklolohan ng mga tao sa lugar. Isa rin sa kanyang mga kasamahan ang nagtangkang tumulong ngunit tinangay din ng agos at napunta sa ibabang bahagi ng ilog.
Si Suga ay residente ng Barangay Minante 1, Cauayan City, Isabela at limang taon nang nagtatrabaho sa Taiwan.
Sa kabila ng kanyang karanasan, sinabi niyang mahalagang tumulong sa kapwa ngunit dapat ding isaalang-alang ang sariling kaligtasan at kakayahan sa pagresponde sa mga ganitong sitwasyon.
Nagpaalala rin siya sa kapwa OFWs, partikular sa mga nasa Taiwan, na maging maingat sa kanilang mga pinupuntahang lugar, lalo na kapag masama ang panahon, dahil nagtungo sila sa ibang bansa upang magtrabaho at makapag-ipon para sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas.











