CAUAYAN CITY – Ipapasakamay ngayong araw sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Aparri, Cagayan ang 10 Vietnamese national na nahuling nangingisda sa Calayan Island sa lalawigan ng Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Max Prudencio, tagapagsalita ng Bureau of Fisheries and Aquatic resources (BFAR) region 2, sinabi niya na matapos ang arraignment ng mga Vietnamese ay ipapasakamay na sa BJMP sa Aparri, Cagayan habang ang kanilang dalawang fishing vessel ay babantayan ng mga fishery enforcer ng BFAR.
Matatandaan na ang dalawang fishing vessel na may lulan na 10 na Vietnamese ay nahuli noong June 1, 2019 ng mga miyembro ng Philippine Coastguard (PCG) at fishery enforcer ng BFAR.
Nakuha sa kanilang mga bangkang pangisda ang iba’t ibang uri ng mga ipinagbabawal na isda.
Tinangka ng mga dayuhan na tumakas ngunit nahuli sila ng mga kasapi ng PCG at BFAR.
Ang mga Vietnamese ay sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10654 o Fisheries Code of the Philippines.