--Ads--

Umusad na sa Senado ang panukalang batas laban sa political dynasty matapos lumagda ang 12 senador sa committee report na nagbabawal sa paghawak ng puwesto ng magkakamag-anak hanggang ikalawang antas ng consanguinity at affinity.

Ang ulat ay mula sa 16-member Senate panel on electoral reforms and people’s participation, na nangangailangan lamang ng siyam na lagda upang maaprubahan at maipadala sa plenaryo para sa interpellation at debate.

Kabilang sa mga lumagda sina Senators Risa Hontiveros, Erwin Tulfo, JV Ejercito, Francis Pangilinan, Panfilo Lacson, Loren Legarda, Sherwin Gatchalian, Robin Padilla, Imee Marcos, Juan Miguel Zubiri, Bam Aquino at Lito Lapid.

Ayon kay Hontiveros, na siyang tagapangulo ng komite, malinaw sa committee report ang depinisyon ng political dynasty hanggang ikalawang antas ng pagkakamag-anak sa dugo at sa pamamagitan ng kasal. Bahagi ito ng siyam na pangunahing probisyon ng panukalang anti-political dynasty bill.

--Ads--

Sa ilalim ng panukala, hiwalay na bibilangin ang mga pambansa at lokal na posisyon at walang direktang pagbabawal kung ang isang kaanak ay nasa pambansang posisyon habang ang isa ay nasa lokal. Gayunman, ipagbabawal ang party-list representation kung may miyembro ng pamilya na kasalukuyang may hawak na pambansa o lokal na puwesto.

Ipinagbabawal din ang sabay o sunod-sunod na paghawak ng mga posisyon ng mga magkakamag-anak na saklaw ng itinakdang antas. May kalakip ding mga parusa at mekanismo na ipatutupad ng Commission on Elections upang matiyak ang pagsunod sa batas sakaling ito ay maisabatas.

Layunin ng panukala na maipatupad ang probisyon ng 1987 Constitution na nag-uutos sa Estado na ipagbawal ang political dynasties ayon sa maaaring itakda ng batas. Kapag naaprubahan sa plenaryo, daraan ito sa deliberasyon at posibleng amyendahan bago tuluyang maipasa bilang ganap na batas.