--Ads--

Ipinagbawal ng pamahalaan ng China ang pagpasok sa mainland China, Hong Kong, at Macao ng ilang opisyal ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Kalayaan. Ito ay kasunod ng deklarasyon ng nasabing lokal na pamahalaan na persona non grata ang Chinese Ambassador na si Jing Quan.

Ayon sa pahayag ng Chinese Embassy sa Pilipinas, ang hakbang ay isinagawa batay sa prinsipyo ng reciprocity o ganting aksyon, matapos ideklarang hindi kanais-nais ang Chinese envoy sa hurisdiksyon ng Kalayaan.

Kabilang sa mga ipinagbawal makapasok sa mga teritoryo ng China ang mga sumusunod na opisyal ng Kalayaan LGU: Beltzasar S. Alindogan, Maurice Phillip Alexis S. Albayda, Nonelon B. Balbontin, Nonie C. Gapuz, Roberto M. Asiado, Hubert B. Llavan, Francis P. Polizon, Marilou S. Vales, Monico A. Abogado, Eugenio B. Bito-onon, Hermoso A. Ornopia, Tracylie Shierjun R. Malabayabas, Arzel E. Belidan, Vicencio R. Milan, at Allan D. Dellosa.

Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni Chinese Embassy spokesperson Ji Lingpeng na ang ginawang hakbang ng China ay alinsunod umano sa prinsipyo ng reciprocity o ganting aksyon, matapos ideklarang hindi kanais-nais ang Chinese ambassador sa nasabing munisipalidad.

Ayon kay Ji, ang tinawag niyang “Kalayaan Municipality” council ng Pilipinas ay nagpasa umano ng mga resolusyon noong 2023 at 2026 na nagdedeklarang persona non grata si Ambassador Jing Quan sa loob ng hurisdiksyon ng bayan.

--Ads--

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang lokal na pamahalaan ng Kalayaan hinggil sa naging hakbang ng China. Patuloy namang mino-monitor ang sitwasyon dahil sa posibleng implikasyon nito sa ugnayang panlabas ng Pilipinas at China.