Nilinaw ng Bureau of Animal Industry ng Department of Agriculture (DA-BAI) na hindi agad maaapektuhan ang agricultural trade ng Pilipinas matapos ipatupad ng China ang ban sa pag-aangkat ng alagang baboy, wild boar, at mga pork products mula sa bansa dahil sa banta ng African Swine Fever (ASF).
Ayon sa DA-BAI, kinikilala nila ang desisyon ng Chinese authorities, ngunit ipinaliwanag ng ahensya na hindi naman kasalukuyang nag-eexport ang Pilipinas ng live pigs, wild boar, at kaugnay na produkto sa China.
Batay sa ulat ng Reuters, naglabas ang General Administration of Customs ng China ng kautusan na nagbabawal sa pagpasok ng nasabing mga produkto mula sa Pilipinas dahil sa ASF concerns.
Sinabi ng DA-BAI na patuloy ang Pilipinas sa pagpapatupad ng mahigpit na biosecurity measures, kabilang ang kontrol sa paggalaw ng hayop, culling o pagpatay sa mga apektadong baboy, at pinalakas na surveillance sa mga lugar na may kaso o mataas ang panganib.
Ayon sa ahensya, mula nang unang matukoy ang ASF sa bansa noong 2019, nakatutok ang gobyerno sa mga hakbang na naaayon sa standards ng World Organisation for Animal Health upang mapigil at tuluyang maalis ang sakit sa mga alagang baboy.











