--Ads--

Dalawang menor de edad ang nasawi matapos malunod sa ilog sa Barangay Usul, Jones, Isabela nitong hapon ng Abril 30.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMAJ. Merwin Delos Santos, ang chief of police ng Jones Police Station sinabi nito na bandang alas-2:30 ng hapon nang makatanggap sila ng ulat hinggil sa insidente, dahilan upang agad na rumesponde ang kapulisan at magsagawa ng imbestigasyon sa lugar.

Batay sa paunang imbestigasyon, bandang alas-2:00 ng hapon nang pumunta sa ilog ang apat na menor de edad upang manghuli ng tulya. Dalawa sa kanila ay kinilalang sina alyas “May”, 15-anyos, at alias “John,” 9-anyos, ang nagpaalam na maliligo ngunit makalipas ang ilang sandali ay humingi ng saklolo habang nasa gitnang bahagi ng ilog na may kalaliman.

Agad namang humingi ng tulong ang kanilang kasamang si alias “Leo,” 13-anyos, at tinulungan ng isang mangingisda upang maisagawa ang rescue operation. Gayunman, inabot pa ng ilang oras ang paghahanap lalo na sa isa sa mga biktima dahil sa lawak ng ilog na tinatayang umaabot sa 50 metro.

--Ads--

Narekober ang dalawang biktima at agad na dinala sa Prospero Bello Integrated Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Ayon sa pulisya, ang isa sa mga biktima ay residente ng Taguig City at pansamantalang nananatili lamang sa lugar. Tinatayang may layong 10 kilometro ang pinangyarihan ng insidente mula sa mga ibang barangay at may kalayuan din sa mga kabahayan.

Samantala, muling nanawagan Jones Police Station sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak lalo na ngayong panahon ng tag-init kung saan marami ang naaakit maligo sa ilog. Binigyang-diin din ng pulisya na patuloy ang kanilang kampanya at pakikipag-ugnayan sa mga barangay upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya.