Kasalukuyan pang nagpapagaling sa iba’t ibang ospital ang dose-dosenang pasahero matapos magkaroon ng malubhang banggaan ang dalawang bus ng Victory Liner sa kahabaan ng Marcos Highway sa Barangay Taloy Sur, Tuba, noong Sabado ng gabi, Mayo 30.
Ayon sa ulat ng mga awtoridad, naganap ang insidente bandang alas-8:35 ng gabi sa bahagi ng Caucalan sa Taloy Sur. Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na tumagilid ang isa sa mga bus dahil sa lakas ng impact, habang nagtamo naman ng matinding pinsala ang isa pa.
Nasa kabuuang 87 pasahero ang naapektuhan sa nasabing aksidente. Dahil sa dami ng mga sugatan, agad na naglunsad ng malawakang emergency response ang iba’t ibang rescue units upang mabilis na maideretso ang mga biktima sa mga pinakamalapit na pagamutan.
Tinatayang nasa 52 pasyente ang sinugod sa La Union Medical Center habang nasa 15 pasyente naman ang dinala sa Benguet General Hospital.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang masusing imbestigasyon ng mga lokal na awtoridad upang malaman ang eksaktong sanhi ng madugong banggaan.











