--Ads--

Pinasok at nanggulo ang dalawang criminology graduates sa bahay ng isang mangangalakal dahil naingayan umano sila sa boses ng kanilang kapitbahay.

Ang biktima ay isang mangangalakal, na residente ng Villarta St. District 1, Cauayan City kasama ang kanyang asawa at tatlong mga anak.

Habang ang mga suspek ay itinago sa alyas na Erick at AJ, nasa wastong gulang, na kapwa criminology graduate.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay Reden Landicho, isa sa mga rumespondeng barangay Tanod, sinabi niya na alas tres ng madaling araw nang makatanggap sila ng ulat kaugnay sa mga nanggugulo sa nabanggit na lugar.

--Ads--

Nang makarating sa lugar ang mga tanod ay nadatnan na nila ang bahay na walang katao tao ngunit bukas ang pinto, may bakas ng dugo, mga basag basag na bote ng alak, at pinagsisirang gamit sa loob ng bahay.

Batay sa kanilang imbestigasyon at pagtatanong sa biktima, napag-alaman na wala naman umanong personal na alitan ang mga suspek at biktima subalit ang nakikitang dahilan ngayon sa nangyaring pambabato at pambubugbog sa biktima ay dahil naingayan ang mga suspek.

Aniya, wala na sa lugar ang mga sangkot na indibidwal nang makarating sila dahil tumakbo at humingi ng saklolo ang biktima, habang ang mga suspek naman ay bumalik sa kanilang bahay.

Nang makita naman ang biktima ay dito na niya isinalaysay ang pangyayari at kung sino ang suspek.

Saktong lumabas naman ang mga suspek sa kanilang bahay na tinatayang tatlong metro lamang ang layo sa bahay ng biktima, dahilan upang sila ay arestuhin ng mga tanod.

Dinala rin aniya nila sa barangay hall ang mga sangkot na indibidwal para sa karagdagan pang imbestigasyon.

This is a developing story