Nasawi ang dalawang katao habang sugatan naman ang ilang pasahero matapos araruhin ng isang trailer truck ang nakahintong pampasaherong bus sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Zone 12, Brgy. Tayabo, San Jose City, Nueva Ecija nitong madaling araw ng Mayo 16, 2026.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jetro Lapuz, 32-anyos, negosyante at residente ng naturang lugar, at isang dalagita na 14-anyos at residente ng Brgy. Bitabian, San Mariano, Isabela.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, dakong alas-12 ng madaling araw nang huminto ang isang Heiger Dalin Bus Line na minamaneho ni Anthony Ramos, 40-anyos at residente ng Naguilian, Isabela, sa isang kainan na Marzen’s Kambingan para sa bus stop.
Makalipas ang ilang minuto, binabagtas naman umano ng isang Howo NX tractor head truck na may kasamang trailer bed, na minamaneho ni Felipe Lustre, 43-anyos at residente ng San Antonio, Nueva Ecija, ang northbound lane ng Maharlika Highway nang mawalan ito ng kontrol at bumangga sa nakaparadang bus.
Dahil sa lakas ng impact, kapwa tumilapon ang dalawang sasakyan at sumalpok sa isang bahay at sa mismong restaurant.
Nasa loob umano ng bahay si Jetro Lapuz nang mangyari ang insidente na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay habang binawian naman ng buhay ang dalagita habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
Sugatan din ang ilan pang pasahero ng bus at agad na isinugod sa San Jose City General Hospital para sa agarang lunas.
Patuloy pa ring inaalam ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng pinsala sa mga sasakyan habang nasa kustodiya na ng San Jose City Police Station ang driver ng trailer truck para sa kaukulang disposisyon at imbestigasyon.







